Enforcers get 3 chainsaws in just a day.

Namamayagpag pa rin ang mga iligalista sa bayan ng Quezon. Tatlong chainsaw ang magkakasunod na kinumpiska sa operasyon ng mga paralegal sa komunidad, kasama ang mga kinatawan ng Kilusan Sagip Kalikasan (KSK), PNP Maritime at ELAC, matapos na mapatunayang ang mga chainsaw ay walang rehistrasyon mula sa PCSD at  wala ring naisyung permiso para sa pamumutol ng kahoy na galing sa DENR.

Ayon sa salaysay nina David Abela at Efipanio Villamil, Jr. ng ELAC, ang operasyon ay resulta ng agarang pagresponde sa sumbong ng komunidad ukol sa malawakang pamumutol ng puno sa Bgy. Sowangan noong Mayo 17, 2006. Papalapit pa lamang sila sa Sitio Mapasung ay nakita na nilang marami nang natistis na mga buhay na punongkahoy at halos magkakasabay ang ugong ng mga chainsaw. Unang natagpuan ang operator na si Nonico Anselmo habang aktuwal na tinitistis ang sariwang putol na Durian gamit ang hindi rehistradong chainsaw na pagmamay-ari diumano ng isang Land Ampan.

Nang sumunod na oras, natunton ng grupo sa gitna ng kabundukan ang pulutong ng mga tao habang may dalawang chainsaw na abala sa paglalagare ng sariwang tumbang puno ng Nato. Ang mga chainsaw ay pagmamay-ari nina Jun Cardaño at Buc Arcuyo kung saan si Cardaño mismo at ang isang Bong Magallanes ang opereytor ng mga ito. Agad na nagsampa ang mga operatiba ng kasong administratibo sa DENR at PCSD laban sa mga nahulihan upang tuluyang makumpiska ang tatlong makina.

Samantala, ayon sa pag-aaral na isinagawa ng ELAC sa ilalim ng CEPF enforcement program, ang bayan ng Quezon ang nangunguna sa buong Palawan na may pinakamaraming nahuling illegal na chainsaw sa loob ng tatlong taon.