SINAMPAHAN NG kasong-kriminal ang mag-asawang Mario at Corazon Yap ng Malatgao, Narra matapos ang magkakasunod na imbestigasyon ukol sa illegal na pamumutol ng mga bakawan para sa pagpapalawak nila ng palaisdaan. Pangunahin sa mga tumestigo ang mga barangay kapitan ng ng Antipuluan, Taritien at Malatgao. Gayundin, nagsampa ng hiwalay na reklamo ang ilang mamamayan ukol sa nasabing iligalidad. Pormal na isinumite ang mga reklamo sa Provincial Prosecutor’s Office noong Abril 6, 2006.ma.jpg

Ang kaso ay nag-ugat sa ulat na malawakan ang pamumutol ng bakawan ng mga Yap. Pinagkasunduan sa pagpupulong ng Cluster ATM (tumutukoy sa tatlong barangay) na resolbahin ang nasabing usapin.

Sa unang pagbisita pa lamang noong Pebrero 18, nasaksihan na ng grupo ang humigit- kumulang 1.5 ektaryang kapuputol pa lamang na mga bakawan. Nakita rin ang mga tumpok ng pinutol na mga maliliit na bakawan. Naabutan pa ng grupo ang dalawang tauhan nina Yap na kasalukuyang humuhukay ng mga putik at gumagawa ng pilapil para sa palaisdaan. Tinatayang ang dalawang bagong gawang pilapil ay may habang 300 metro. May mga bakawan ding binalatan ang mga puno at hinayaan upang kusang mamatay. Dahil dito, ipinasya ng grupo na magsampa ng kasong paglabag sa seksyon 94 ng Batas Pangisda at magsumite ng ulat sa DENR.

Nang araw ding iyon, nagkaroon ng mainit na pag-uusap sa pagitan ng mga Yap at grupong bumisita sa palaisdaan. Nanakot pa ang mga Yap na kakasuhan ng trespassing ang grupo ngunit ipinaliwanag ng isang kagawad ng Bgy. Malatgao na mayroon silang visiting power bilang pagtugon sa mga isyung inihain.

Samantala, noong Pebrero 21, 2006, isang multi-sectoral survey ang isinagawa sa pangunguna ng DENR-CENRO bilang tugon sa sulat ng barangay. Pagkatapos nito, sinumulan na ang pag-asikaso ng kasong isasampa laban sa mag-asawa sa tulong ng mga sinumpaaang salaysay noong Marso.

Kaugnay nito, noong 2005, namutol rin ng bakawan ang pamilyang Yap na sinita naman ng mga deputisadong paralegal. Nagtataka lamang ang ELAC kung paano sila binigyan ng transport permit para sa bakawan mula sa DENR. Ang mga paralegal ay deputisado sa ilalim ng Executive Order 06 ng Narra LGU.