Umaalingasaw na amoy na animo’y bugok na itlog ang matagal nang inirereklamo ng mga mamamayan sa mga barangay ng Bataraza na nakapaikot sa planta ng Coral Bay Nickel Corporation (CBNC). Naging dahilan diumano ito ng mga sakit sa paghinga ng mga residente, lalo na sa bahagi ng Sumbiling at Ocayan.

Sa mga panayam na isinagawa ng ELAC noong Hunyo 19-23, lumalabas na nagsimula ang mabahong amoy na ito nang aktibo na ang operasyon ng hydrometallurgical processing plant (HPP) kung saan tinitimpla ang mga mabanganib na kemikal katulad ng sulfuric acid. Inirereklamo raw ito ng ilang residente sa mga opisyales ng barangay ngunit walang nangyari kaya’t tinanggap na rin nilang kasama ito sa gawain ng mina na kahit kanilang mahigpit na tinutulan ay ipinagpatuloy pa rin ng pamahalaan.

Kaugnay nito, sa bahagi ng Tagdalongon, ipinakita ng ilang mga residente ang kanilang mga sugat na matagal na o hindi pa gumagaling. Palaisipan sa kanila ito sapagkat ito ay nangyari lamang nang ang baybayin ng Tagdalongon ay direktang dinaluyan ng mga katas at dumi mula sa plantang HPP. Naniniwala sila na mataas na ang polusyon sa kanilang tubig lalo na at sila ay pingbawalang mangisda sa malapit na lugar .

Sa kabilang dako ng mga pangambang pangkapaligiran at pangkalusugan, ipinaliwanag ng mga lider ng mga barangay at mga katutubo na pinakikinabangan nila ang mga proyektong ipinatupad ng CBNC sa ilalim ng Social Development and Management Plan (SDMP) nito. Nakinabang daw nang malaki ang kanilang mga nasasakupan sa mga programang ospitalisasyon at mga scholarship, imprastruktura, at iba pang mga pinansyal na tulong. Para naman sa iba, hindi pantay ang pamamahagi ng pakinabang na ito sapagkat ito ay nakadepende sa mga gustong bigyan ng mga lider-barangay at katutubo.

Sa kasalukuyan, isang pag-aaral ang isinasagawa ng Ateneo de Manila University-School of Governance, sa pakikipagtulungan ng ELAC, upang maanalisa ang mga pakinabang at perhwisyo ng mina sa ilalim ng mga korporasyong RTNMC-CBNC.